‘Iisang komunidad tayo; walang paraang malagpasan ito kundi ang isaisip ang kapakanan ng lahat’
Gaya ng ating panata, patuloy ang pagdaloy ng makabuluhang impormasyon mula sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo. Patuloy ang pagkonsulta natin sa mga eksperto. Patuloy ang ating pagsubaybay sa nagbabagong situwasyon ukol sa COVID-19, at patuloy ang ating mga rekomendasyon at panawagan.
Sinabi na ng World Health Organization: May mga katangian ng isang pandemic ang pandaigdigang situwasyon. Ibig sabihin, kumalat na ang virus sa iba’t ibang bansa. Sa pagkakataong ito, kailangan kong idiin: Panahon nang ipatupad ang areglong work-from-home. Huwag na nating ipilit pumasok pa sa opisina ang ating mga empleyado, maliban na lang ang mga nakatutok sa pagpapaabot ng kaukulang serbisyo na maaaring umampat sa pagkalat ng virus. Hindi sapat ang four-day workweek lang; hanapin natin ang mga alternatibong paraan para ipagpatuloy ang inyong operasyon. Kung talagang kailangan, magpatupad na lamang tayo ng skeletal staffing sa ating mga tanggapan. Walang dahilan na maibilad pa sa peligro ang sino man, lalo pa’t may dalang dagdag na panganib para sa lahat ang bawat bagong makakasagap ng sakit na ito.
Malinaw ang posisyon ng mga eksperto: Social distancing ang isa sa mga pinakamabisang paraan para maampat ang pagkalat ng virus. Paraan din ito para hindi ma-overload ang ating mga sistemang pangkalusugan. Bawat sandaling mapabagal ang pagkalat ng virus ay sandaling naibibigay natin sa mga eksperto upang makahanap ng bakuna at lunas sa sakit na ito. Kaya nga kailangan nating idiin at ulit-ulitin ang panawagan para sa work-from-home arrangement.
Ukol naman sa mga testing kits: Madaliin na natin ang pag-aambagan upang makapag-produce at maprocure na ang mga ito sa lalong madaling panahon. Tukuyin na agad ang kinakailangang pondo, ang pagkukunan nito, at ang pinakamabilis na paraan para ma-source ang mga kits. Ilabas na ang mga karampatang atas. Hindi ngayon ang panahon para magpahadlang sa mga alitan at burukrasya.
Nasa disaster mindset dapat tayo ngayon. Nananawagan tayo sa mga ahensya ng gobyerno, partikular ang mga frontliners: Pandayin, linawin, isiwalat, at ipatupad na ang mga karampatang protocols para sa mga apektado. Maging ispesipiko rin sa mga hakbang nilang gagawin sakaling kumalat ang sakit sa mga high-density areas, lalo na sa mga lugar na maraming maralita. Marami sa ating kababayan ang nakaasa sa pagpasok araw-araw para may maihain sa kanilang hapag. Ipaabot natin sa kanila ang financial assistance at iba pang ayuda, lalo na para sa mga mapipilitang lumiban sa trabaho at mawawalan ng kita dahil sa suliraning ito.
Isadiwa natin ang layuning “protect the vulnerable.” Gaya ng lagi, ang mga mahihirap ang pinakaapektado sa mga ganitong pagkakataon. Siguruhin natin na angkop ang pansin at pagpapahalagang maipapaabot sa kanila.
Alam po natin: Marami sa ating mga kababayan ang walang sapat na salapi para magpatingin sa mga pribadong ospital. Sa harap nito, dapat na ring tukuyin, italaga, at ipaalam sa publiko ang mga pampublikong ospital na kakayaning tumanggap ng mga may malalang sintomas. Ayon sa mga konsultasyon sa DOH, hindi pa aabot sa 400 ang pinagsamang mga isolation rooms at negative pressure facilities sa mga pampublikong ospital. Maganda na rin po sigurong kumilos ang pambansang pamahaalan para makapagset-up ng mga temporary isolation facilities. Bukod sa mga aparato at kagamitan para sa treatment, siguruhin din nating sapat ang protective equipment ng ating mga frontliner sa public health sector.
Dadami pa po ang bilang ng mga maysakit. Hindi ito haka-haka; nakabase ito sa mga pag-aaral at karanasan ng ibang bansa. Kailangang maging agaran ang pagkilos upang masigurong sapat ang mga kagamitan, sapat ang mga healthcare workers, at sapat ang mga tanggapan para matugunan ang posibilidad ng pagdami ng mga mahahawa.
Alam din nating pinag-aaralan na ng mga awtoridad ang posibilidad ng isang lock-down sa National Capital Region. Naniniwala tayo: Magiging mabisa lamang ang anumang lockdown kung mayroong sapat na probisyon sa mga komunidad, lalo na para sa mga mahihirap.
Tiyakin din sana ng gobyerno na sapat ang mga pangunahing pangangailangan, tulad ng pagkain sa food banks at mga gamit para sa sanitasyon. Ngayon pa lang, dapat nang mag-imbak ang mga komunidad, ayon sa isang pambansang direksyon, ng mga basic needs. Isa itong paraan para hindi na dumagdag ang pangamba ng ating mga kababayan: Kung alam nating magiging sapat ang supplies sa ating mga komunidad, papanatag ang ating loob, at hindi na natin kakailanganing lumabas pa.
Iisang komunidad tayo; walang paraang malagpasan ito kundi ang isaisip ang kapakanan ng lahat. Huwag makipag-unahan sa mga ospital at testing center; kung may sintomas tulad ng lagnat at ubo, mag-self-quarantine at obserbahan ang sarili ng dalawang araw bago sumugod sa ospital. Hindi rin po nakakatulong ang panic buying at hoarding. Ang bawat bote ng alkohol na iniimbak natin at di nagagamit ay isang boteng ipinagkakait natin sa ating mga kapitbahay. Sa huli, kung magkasakit sila, lahat tayo madadamay, gaano man karami ang maiimbak nating mga gamit o pagkain.
Mulat tayo na kakailanganin ng sakripisyo upang matugunan ang anumang suliranin. Pero ito ang paraan para masiguro ang kaligtasan ng mas nakararami. Nais kong ipaalala sa lahat: Narito pa rin ang pambansang pamunuan, sa kabila ng mga self-quarantine measures na isinasagawa ng ilan sa amin. Makinig at magkaisa tayo; sumubaybay sa mga pahayag at bulletin tulad nito, at sundin ang payo ng mga eksperto. Patuloy nating bigyang-pugay ang mga frontliners; suportahan natin sila, at tiyaking sapat ang kanilang kagamitan. Personal ko silang pinapasalamatan sa pahayag na ito. Huwag po sana kayong panghinaan ng loob. Sa bawat araw na lumilipas, lumalalim ang pag-unawa ng mga siyentista sa sakit na ito, at lumalapit ang pandaigdigang komunidad sa isang solusyon.
Inuulit ko po: Maiiwasan ang pagkakasakit. Maaampat ang pagkalat ng virus. Kaya nating pangasiwaan ang situwasyon. Maging malinaw lamang tayo sa pag-iisip, kalmado sa pagkilos, at may paninindigan sa pambansang direksyon.
Pilipino tayo; sanay tayo sa sakuna.
Palagi, sa harap ng ganitong uring krisis din natin naipapakita ang pagbabayanihang diwa ng ating pagka-Pilipino. Hindi tayo napapaluhod ng bagyo; nakakabangon tayo mula sa mga lindol. Mas malakas pa rin ang Pilipino sa COVID-19; kayang daigin ng ating pagkakaisa ang suliraning ito. Pilipino tayo, at sama-sama nating malalagpasan ito.
Source: Rappler.com