Ang tatay kong si Sen. Wigberto Tanada ay isa sa Magnificent 12 na bumoto para wakasan ang pagkakaroon ng US military bases dito sa Pilipinas. Noon, naging tampok na hugis ng mga protesta kontra diktadura ang pagiging kontra mala-kolonyalismo. Ngayon, parang ganyan din ang nangyayari.
Aktibista rin ako noon at kasama ko ang tatay ko, pati na ang lolo kong si Sen. Lorenzo Tanada, sa mga daan-daang pagkilos para mapaalis ang mga bakas ng pananakop sa ating bayan.
Kahit noon, ang hirap ipaliwanag sa kapwa natin Pilipino ang kahalagahan ng tunay na kalayaan. Ngayon, nagpapaliwanag ulit tayo sa ating mga kababayan na mali ang pananalakay na ito ng China. Mali ang pambubully sa ating mga mangingisdang may karapatang maghanap-buhay sa ating karagatan. Mali ang militarisasyon sa ating mga islang mga isang libong kilometro lang ang layo mula sa kabiserang lungsod ng Manila.
Luluhod at susunod na lang ba tayo sa utos ng China? Kahit harap-harapan nang binabalahura ang dangal ng Pilipinas?
Nasaan ang pangako mo, Pangulong Duterte, na ipagtatanggol ang Pilipinas at ang interes ng mga Pilipino? Ngayon kailangan ng mga Pilipino ang iyong tapang.