Nagsalita na si Sen. Frank Drilon sa isyu. May pattern na ang administrasyong ito pag naiiipit: Nililihis at iniiba ang usapan. Imbes na magpaliwanag at sagutin ang mga akusasyon ay paninira at pagsisinungaling laban sa mga kritiko ang sinasagot. Pinag-iinitan ang mga hindi sumasang-ayon sa mga polisiya o ginagawa nito.
Ginawa na nila ito sa kapartido ring si Sen. Leila De Lima dahil sa mga hearing ni Matobato at Lascañas tungkol sa EJKs. Ginawa nila ito nang mahuli sa CCTV ang paghuli sa pinatay na si Kian delos Santos; LP destabilization daw. Ganun din sa kaso ng P6.4-bilyong BoC shabu smuggling at pagkasangkot ng nag-resign na Davao City Vice Mayor at anak ng Pangulo na si Polong sa sindikato ng droga; naglabas sila ng mga pekeng bank account ni Sen. Trillanes. At ngayon ito.
Sa mga mahahalagang isyung ito nila tayo nililihis: ang taas ng presyo ng mga bilihin, sobra-sobra na ang pagbibigay ng administrasyon sa Tsina (di na lang sa Scarborough at West Philippine Sea kundi pati na rin sa Benham Rise), at pagkasangkot at pakikialam umano ni Presidential Assistant Bong Go sa pagtanggal kay Vice Admiral Ronald Joseph Mercado ng Philippine Navy at sa P15.7-bilyong kontrata ukol sa warship (o frigate).
Huwag nating tantanan ang mga pang-aabuso sa poder.