Ano’ng meron sa China?
Kadalasan, kapag bumibiyahe ang Presidente, nakatala ang buong itinerary. May press release ng mga plano, may listahan ng kikitain at bibisitahin, hanggang sa mga kasunduang lalagdaan, pati na ang mga estimate ng bagong investment na pwede nating asahan. Ngayon, ni ha ni ho, wala.
Bibiyahe siya habang hitik ang balita sa mga isyu at kontratang may kinalaman sa China:
Ang reconstruction ng Marawi na ibinigay sa mga kumpanyang Tsino nang walang bidding o nang di malaman kung sinong taga-Marawi ang kinonsulta.
Ang pagsasara ng Boracay, diumano para magbukas ng bagong casino — na siya ring pagmamay-ari ng mga kumpanyang Tsino.
Bukod pa ito sa ibang mga balitang hindi man napapag-usapan ay nakabitin pa rin: Ang pagtatayo ng China ng mga military installation sa ating teritoryo sa West Philippine Sea; ang pagpayag na pangalanan ng China ang ating Benham Rise, pati na ang pagpayag na magsagawa ang mga Tsino ng “scientific research” sa teritoryo nating ito; ang mga alegasyon na ang pangunahing source ng bawal na gamot ay China; at ang pag-utang sa China sa napakalaking interest rate kumpara sa ibang mga nagpapautang na mas mababa ang interes.
Pagtabi-tabihin natin ang mga ito, at itanong nating muli: Ano’ng meron sa China? Bakit bibiyahe si Pangulong Duterte sa China? Ano ang pakay niya? Ano’ng mga pirmahan o kasunduan ang magaganap? Bakit niya tayo ibinebenta, at ipinapamigay na nga halos, sa China?
Sa huli, ang tanong natin: Pag-uwi kaya ni Pangulong Duterte, sa Pilipino pa rin ang Pilipinas?