Nakaukit sa alaala ng bawat Liberal ang petsang ito. Noong ika-21 ng Agosto 1971, sa gabi ng miting de avance ng Partido Liberal, binomba ang Plaza Miranda. Apat na granada ang inihagis sa entablado. May mga namatay at maraming nasaktan, kabilang na ang liderato ng Partido. Di naglaon, idineklara ni Marcos ang Batas Militar, na naging daan para sa pang-aabuso sa libu-libong Pilipinong nangahas na pumalag sa diktadurya.
Eksaktong labindalawang taon matapos nito, pinaslang si Ninoy Aquino sa tarmac ng Manila International Airport. Nagluksa ang bayan. Naging mitsa ito ng pagkakaisa ng mamamayang matagal nang siniil ng diktadurya. Tatlong taon ang makalipas, matapos ang mahabang paninindigan, paglabas sa lansangan, at pagpapamalas ng tapang, nabawi ng Pilipino ang kanyang kalayaan.
Nakatahi sa identidad ng Liberal ang mga pangyayari sa MIA at sa Plaza Miranda: Isang identidad ng kahandaang manguna sa paglaban para sa tama’t nararapat, anumang panganib ang dala nito; ng paniniwalang maaari tayong saktan, ipiit, o paslangin, ngunit hindi matutupok ang mga prinsipyong pinaniniwalaan natin. Dala ng bawat Liberal magpasahanggang-ngayon ang pamanang ito. Dala ito ng mga Liberal na patuloy na ginigipit, binabato ng kasinungalingan, at pinagkakaitan ng kalayaan.
Ngayong panahon ng krisis, nagiging mas matingkad ang responsibilidad na pag-ibayuhin ang ating pamana: Tinatawag ang bawat kasaping ipagpatuloy ang pagsusulong ng kalayaan, katuwiran, at bayanihan, gaano man kahirap, anumang panganib ang kailangang suongin. Walang dapat magduda: Handang-handang tumugon ang Liberal sa tawag na ito.
Sa ngalan ng mga nauna, patuloy na isasabuhay ng mga Liberal ng ating panahon ang diwa ng Plaza Miranda at ng kabayanihan ni Ninoy.