“Mahigit dalawang linggo pa lang mula nang tinanggap ko ang hamon na pamunuan ang kampanya laban sa iligal na droga. Mahigit dalawang linggo pa lang mula nang aking isinantabi ang napakaraming babala para pasanin ang trabahong kahit halos imposible ay kailangan kong subukan para sa ating mga kababayan.
Hindi ako nagsayang ng oras: Nakipagpulong agad ako sa ICAD at iba’t ibang mga ahensiya. Kinunsulta natin ang iba’t ibang sektor. Pumunta tayo sa mga komunidad. Nakipagpulong tayo sa mga LGU. Binisita natin ang mga Rehab Centers.
Pero nagsimula agad ang mga atake. Walang tigil ang pagbatikos. Mahina raw ako sa krimen. Huwag daw akong makialam sa pulis. Hindi raw ako mapagkakatiwalaan. Pinagtulungan at pinagkaisahan ako para hindi magtagumpay.
Kung pareho naman ang ating layunin, bakit hindi na lang nakipagtulungan?
Hindi ba talaga sila seryoso sa laban?
O may interes ba tayong nabangga?
Noong tinanggap ko ang trabahong ito, ang una kong tinanong sa kanila ay: Handa na ba kayo sa akin? Ngayon ang tanong ko, ano bang kinatatakutan ninyo?
Ano ba ang kinatatakutan ninyong malaman ko?
Ano ba ang kinatatakutan ninyong malaman ng taumbayan?
Mr. President, hindi ko hiningi ang posisyong ito. Pero sineryoso ko ang trabahong ipinasa ninyo. Ang hiling ng taumbayan: isang gobyernong tunay na kampyon laban sa iligal na droga. Alalahanin natin na ang droga at mga drug lord ang kalaban. Hindi ako at lalong hindi ang taumbayan.
Mga minamahal kong kababayan: bilang inyong Pangalawang Pangulo, ang pinakamatimbang kong pananagutan ay sa inyo.
Sa mga susunod na araw magbibigay ako ng ulat sa bayan. Sasabihin ko ang aking natuklasan at ang aking mga rekomendasyon. Makakaasa kayo: kahit tinanggalan ako ng posisyon, hinding hindi nila kayang tanggalin ang aking determinasyon.
Determinasyong itigil ang patayan, panagutin ang kailangang managot, at ipanalo ang kampanya laban sa iligal na droga.
Kung sa tingin nila matatapos ito dito, hindi nila ako kilala. Nagsisimula pa lamang ako.”