Ngayong araw na ito ay ang isang libong araw mula nung na-detain at ikinulong si Sen. Leila De Lima. Mahigit dalawang taon na siyang nakakulong sa Camp Crame sa isang selda na kung saan walang cellphone, walang telepono, walang telebisyon, walang aircon. At ang kanyang access lamang sa mga pangyayari sa ating bansa at sa ibang bansa ay sa mga dyaryo na nababasa niya araw-araw.
Hindi makatarungan ang pagkakulong kay Sen. Leila De Lima. Gawa-gawa ang mga paratang laban sa kanya. Ang mga akusasyon ay galing sa mga ex-convict o kaya mga convicted na kriminal na ngayon ay binibigyan ng special treatment ng kasalukuyang administrasyon dahil hiniwalay na sila sa New Bilibid Prison at nasa kampo.
Hindi tama itong mga nararanasan ni Sen. De Lima. Dapat tutulan. Dapat tayong manindigan. Dapat nating ipaglaban ang kanyang kapakanan at kanyang kaligtasan at ang kanyang kalayaan.
Maliwanag na ang dahilan kung bakit siya kinulong at ginigipit ay dahil isa siyang kritiko ng kasalukuyang administrasyon. Bagamat siya ay nakakulong at hindi biro ang kanyang nararanasan at hindi makatarungan ang kanyang pagkakakulong, siya naman po ay nananatiling inspirasyon sa amin.
Sa amin sa Liberal Party, tayo rin, we are subjected to insults. We are subjected to threats. Tayo rin ay inaatake ng fake news. Subalit lagi kong sinasabi sa aking sarili: Kung kami ay ganito ang sitwasyon, mas matindi ang sitwasyon ni Sen. Leila De Lima.
She serves as an inspiration to us, to continue this fight, to preserve and defend our democracy against authoritarianism and tyranny. Hindi tama ang araw-araw na patayan na nagaganap sa ating bansa. Hindi tama ang panghihimasok ng China nang walang imik ang ating gobyerno dito sa West Philippine Sea. Dapat itong tutulan.
Sa personal na level, kapartido natin si Sen. De Lima. Maya’t maya nabibisita natin siya. Napadalhan ko pa nga ng mga tanim para makapag-alaga siya ng gulay dahil nga walang ibang pwedeng gawin dito sa detention cell niya kundi magbasa at manalangin at magsulat at kasama na rin siguro ‘yung mag-alaga ng mga tanim. Nag-aalaga rin si Sen. De Lima sa ating pagbisita ng mga pusa, ‘yung mga stray cat. Labintatlo na raw ang kanyang inaalagaang mga pusa. Ang paborito niya ‘yung lagi daw inaapi nung kapwa pusa nila, si Blacky. Pati doon, ‘yung mga inaapi binibigyan niya ng importasya. Maraming alagang aso si Sen. De Lima subalit ito’y nasa kanilang bahay sa Parañaque. Pero maya’t maya ‘yung kanyang paborito, si Coco, ay bumibisita sa kanya.
Nais ko ring ipahiwatig ang mga detalyeng ito dahil it should serve as a reminder that Sen. De Lima is no different from you and me. She is also a human being. She also faces hardships. I’m sure every time you see her, she is in high spirits. Pero maliwanag din na may mga pagkakataon na nahihirapan siya dahil hindi biro ang kanyang hinaharap.
Ako’y nagpapasalamat sa lahat ng suporta niyo. Ito ang nagbibigay lakas sa amin, nagbibigay lakas kay Sen. Leila na ipagpatuloy ang pakikipaglaban at ipagpatuloy ang paninindigan laban sa hindi-makatarungang mga pangyayari sa ating bansa.
Tuloy-tuloy nating ipaglaban ang ating demokrasya at ang hanapbuhay at trabaho para sa ating mga kababayan. Ituloy natin ang pagtutol sa araw-araw na patayan, ang pagtutol sa pananahimik sa panghihimasok ng China sa ating karagatan. Huwag tayong mawalan ng loob. Magsilbing insiprasyon pa rin si Sen. Leila. Kung siya ay naghihirap, kung siya ay humaharap sa mga pagsubok tulad nito, kaya nating sama-samang panindigan, pakikipaglaban para sa ating demokrasya at sa ating kalayaan.
At ang panawagan natin sa araw na ito, FREE LEILA!