Bilang abogado, marami nang labanan ang aking sinuong para sa mahihirap at inaapi. Binigay ko ang aking boses para sa mga tinanggalan ng tinig. Tumindig ako laban sa mayayaman at makapangyarihan. Ipinagtanggol ko ang mga guro, estudyante, manggagawa, empleyado ng gobyerno, sundalo, pulis, peryodista, whistleblower, magsasaka, at iba pang mga biktima ng opresyon at eksploytasyon. Sa loob ng mga taon na nanungkulan ako sa batas, lagi akong nasa panig ng hustisya at katotohanan. Nagsilbi po ako sa batas tulad ng paninindigan sa batas ng aking ama at ng aking lolo—matapat, marangal, at may integridad.
Pero ngayon, nakompromiso na ang ating mga korte. At ang batas mismo ay tino-torture hanggang mawalan na ito ng pagkawangis sa katotohanan. Inaatake mismo po ngayon ang ating Konstitusyon, na siyang pinakasaligan sa Batas. Hindi na po bulag ang hustisya, pumapabor ito sa mayayaman at makapangyarihan, sa matataas at malalakas.
Panahon na para dalhin ko ang labanan sa ibang arena. Panahon na para gawing bahagi ng pambansang agenda ang hustisya.
Gutom ang taumbayan hindi lang para sa pagkain at trabaho. Nagnanasa tayo lahat sa tunay na kalayaan at katarungan. Ang misyon ko bilang manananggol at bilang Pilipino ay tiyakin na binibigay ng ating gobyerno sa sambayanang Pilipino ang katarungang karapat-dapat sa kanila, sa ating lahat. Ang katarungang napakatagal na nating inaasam pero hindi pa rin natitikman. Ang katarungang sagisag ng ating pagiging malaya.
Maraming salamat. Atty. Diokno po