Magandang umaga sa lahat!
Marami po akong kakilala at kaibigan na nagpaabot ng mensahe na kung may balak daw akong tumakbong Senador, mas malaki po ang pag-asa kong manalo kung lumipat ako ng partido. Baka nga totoo yun, pero hindi ako ganun eh. Hindi ko po tinitingnan ang pangsariling interes o kung saan gagaan ang laban ko. Miembro po ako ng Partido Liberal mula 1992 at bilang isang Tañada, ikinagagalak kong mabilang sa hanay ng Partido Liberal na walang humpay na nagtataguyod ng karapatan, kasarian at kasarinlan ng bawat Pilipino.
Noong ako’y kinatawan ng ikaapat na distrito ng Quezon, ipinaglaban ko ang pagpasa ng Freedom of Information bill dahil isa itong mainam na hakbang para sugpuin ang talamak na kurapsyon sa ating gobyerno. Hangga ngayon, ito pa rin ang paniniwawala at ipaglalaban ko.
Noong ako’y nasa Kongreso, nais nating bigyan ng hustisya at kilalanin ang mga naging biktima ng Martial Law. Tiniyak kong maipasa ang Human Rights Victims Reparation and Recognition Act , Anti-Torture Act at Anti-Enforced Disappearance Act.
Sa panahon ng kalamidad dulot ng pagbabago ng klima, mas malupit na trahedya ang halos ikalubog na ng ating mga kababayang mahihirap sa mga mapanganib na lugar. Noong ako ay nasa Kongreso, isinulong ko ang RA 10174 o mas kilala bilang People’s Survival Fund, ang batas na naglalaan ng pondo para sa mga proyekto at gawain na magliligtas sa ating mga kababayan laban sa hagupit ng climate change.
Iilan lamang po ito sa mga nagawa ko sa ngalan ng bansa, at layunin ko pong ipagpatuloy ang serbisyo sa ngalan ng kapwa ko Pilipino.
Ako po ay narito ngayon upang manawagan sa inyong lahat:
Tayo ay may hinaharap na matinding banta ng pagbabalik ng diktadurya. Mayroong ilan na gustong burahin ang kasaysayan ng pakikibaka para sa kalayaan at demokrasya. Kasabay nito ay ang krisis pang ekonomiya na isang dilim na dahan-dahang bumabalot sa buhay ng bawat mamamayan.
Malamang ay ramdam po natin ngayon ang patuloy na pagtaas ng bilihin. Inabot na natin ang pinakamataas na inflation rate sa loob ng siyam na taon.
Samantala, isang-daan at apatnapu’t limang libong mga kababayan natin ay walang mahanap na trabaho. Apatnaput-tatlong porsyento nito ay mula sa sektor ng mga kabataan na inaasahan nating lilikha ng yaman ng ating bansa. Mayroon rin po tayong mahigit isang milyong kontraktual na empleyado.
Eto’y mga numero lamang kung iisipin, pero bawat bilang ay isang buhay na papalapit ng papalapit sa bingit ng kamatayan sa bawat dumaraan na araw.
Ang aking panawagan:
Una, baguhin ang batas tungkol sa ENDO para hindi ito ginagawang kasangkapan para labagin ang karapatan ng mga manggagawa.
Pangalawa, bawasan natin ang VAT at gawing sampung porsyento mula sa kasalukuyang labing-dalawang porsyento upang kaagad maibaba ang presyo ng bilihin.
Pangatlo, buwagin natin ang mga kartel at traders na nagsasamantala sa pagtaas ng presyo ng petrolyo dulot ng pagtaas ng buwis at presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Kailangan natin muling pag-aralan ang pagpataw ng excise tax sa ilalim ng Train 1.
Pang-apat, patatagin natin ang ating agrikultura at ang mga magsasakang nakasandal sa industriyang ito. Palaguin natin ang ating produksyon upang makalaban ang ating mga magsasaka sa kumpetisyong dulot ng maluwag na pagpasok ng mga inaangkat na produkto.
Panglima, ibalik natin ang tiwala sa ating ekonomiya, lalong lalo na para sa ating OFWs. Kung mapapansin natin nitong nakaraang buwan ay nabawasan ang ipinapadalang pera ng ating mga OFWs habang bumababa ang mga direct investments sa ating bansa na inaasahang lilikha ng dagdag trabaho para sa ating mga kababayan.
Ito ay ilan lamang sa ipaglalaban natin upang maisaayos ang ekonomiya at kabuhayan ng mamamayan kung tayo ay papalarin.
Subali’t hindi sapat na maisaayos natin ang ekonomiya. Nananawagan ako sa ating mga kababayan na maglakas-loob at manindigang kasama ko upang igiit ang ating mga karapatan at mapanatili ang demokrasya at kalayaang ating ipinaglaban.
Kasama ang iba pang pwersa na matapang na naninindigan para sa ating mga karapatan at lumalaban upang makamit ang isang pamahalaang TAPAT na maglilingkod at tunay na tumutugon sa pangangailangan ng bawat Pilipino, hindi tayo mabibigo.
Maraming salamat sa inyong pagtitiwala.
AKO PO SI LORENZO ERIN TAÑADA III MULA SA QUEZON AT BULACAN.
MABUHAY ANG PILIPINAS! MABUHAY ANG PILIPINO!
Maraming salamat po.