Trabaho at kabuhayan sa bawa’t Pilipino.
Makatao at makatarungang pasahod.
Disente at siguradong trabaho.
Murang mga bilihin.
Parang napakasimpleng mga panawagan pero ito ang inaasam ng lahat manggagawang Pilipino.
Pakalahati na ang termino ng kasalukuyang administrasyon. Balikan natin ang pinangako nila noong eleksyon. Mawawala na daw ang endo. Natupad po ba ito?
Bagama’t nakita nating naglabas ang DOLE ng mga listahan ng mga kumpanyang lumalabag sa batas, hindi pa natin alam kung totoong ginawang regular ang kanilang mga manggagawa. Samantala, hindi pa rin naisasabatas ang matagal nang panawagan ng ating manggagawa na tigilan na ang contractualization at wakasan ang endo.
Pasa load po ang ginawa ng administrasyong ito. Tama nga namang ang pagsasabatas ay gawain ng Kongreso at Senado. Subalit bakit hindi ginagamit ng Pangulong Duterte ang kanyang matigas na mga pananalita sa mga senador na humaharang ng Security of Tenure bill? Kaya nga ba’t hindi tayo dapat tumigil. Isigaw natin nang mas malakas sa mga nasa Senado, wakasan na natin ang endo!
Samantala, simula noong 2012, hindi na nagbago ang tunay na halaga ng sahod ng ating mga manggagawa. Hindi tumaas at sa totoo lang ay bumaba pa sa kabila ng pinagmamalaking mabilis na paglago ng ekonomiya ng nakaraan at kasalukuyang administrasyon.
Sinabi po ni Professor Solita Monsod sa kanyang column na tumataas naman ang productivity ng mga manggagawa. Pero ang tanong din nya, bakit ang tunay na halaga ng inyong sahod ay lumiliit imbes na lumaki?
Mga kasama, nawalan na ng halaga ang minimum wage na Php516.80 kada araw kung susukatin ito batay sa presyo ng taong 2012. Ang halaga ng ating minimum wage na Php466.70 noong nagsimula ang kasalukuyang administrasyon ay katumbas na lamang ng Php449.90 nitong Marso ng kasalukuyang taon.
Ito po ang dahilan kaya’t sumasang-ayon ako sa inyong posisyon na buwagin na ang mga regional wage boards. Sinasabi ko lagi, kapag tumaas ba ang presyo ng langis, sa isang rehiyon lang tataas? Hindi ba pare-pareho natin itong papasanin, saang sulok ka man ng bansa nakatira? Kung tumaas ang presyo ng mga bilihin, hindi naman sa isang lugar lang tumataas ang presyo. Lahat tayo tinatamaan nito.
At dahil nabanggit ko na ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, paano kaya ang Pasko natin? Sabi nila mukhang madilim ang Pasko natin ngayon. Malungkot ang mga lamesa natin, baka kulang ang ngiti ng mga anak natin.
May lumalabas na balitang babawiin ng pamahalaan ang suspension ng excise tax ng langis sa 2019. Hindi nyo na nga naipatupad ang mga pangako ninyong programa para mabawasan ang pasanin ng mga mahihirap dulot ng TRAIN, itutuloy nyo pa sa susunod na taon.
Para sa akin, bukod sa suspension ng excise tax sa petrolyo, kailangang pagtuunan din ng pansin ng Kongreso ang pagbaba ng value added tax sa 10 percent.
Para makatulong sa pagbaba ng presyo ng mga pangunahing pagkain lalong-lalo na ang bigas, gamitin sana ng pamahalaan nang tama ang napakalaking pondong inilalaan sa agrikultura. Paunlarin natin ang sariling industriya natin ng bigas upang makalaban tayo ng patas sa mga imported na bigas.
Tama naman na bigyan natin ng murang bigas ang ating mga kababayan. Pero tama bang pabayaan na lang natin ang ating mga magsasaka ng palay na mamatay nang walang laban dahil hindi nila kayang makipagkumpitensya sa mga imported na bigas? May paraan pa. Palakasin natin ang mga lokal na industriya natin upang maramdaman ng ating mga magsasaka at manggagawa ang pangmatagalang ginhawa.
Ito rin po ang nakikita kong paraan upang matiyak na makakakuha ng trabaho ang lahat ng nangangailangan ng hanap-buhay. Hindi madali pero kailangan nating simulan. Panahon na para ituring nating mga kayamanan natin ang mga manggagawa. Alagaan natin sila. Hindi totoong ang mataas na halaga ng paggawa ang dahilan ng papaliit na pamumuhunan. Bukod sa pagbubuo ng malinaw na industrial policy, panahon na para isipin muna natin ang kapakanan ng mga manggagawa para umunlad ang ating mga industriya.
Unahin natin ang pagbaba ng singil sa kuryente para lumiit ang halaga ng pamumuhunan sa bansa. Hindi po ordinaryong serbisyo ang kuryente. Ito ay pampublikong serbisyo tulad ng tubig. Huwag natin basta ipamigay sa pribadong sektor ang mga serbisyong mahalaga sa pagbubuo at pagpapaunlad ng ating ekonomiya.
Para sa ating mga manggagawang lumilikha ng yaman ng bansa, huwag tayong tumigil ipaglaban ang mga sinasabi natin dito. Sa kalye man o sa loob ng Senado, hindi tayo dapat tumigil para mabigyang lunas ang mga sakit na bumabalot sa mga manggagawang Pilipino.
Muli, nakikiisa ako sa inyo sa pagkilala sa bayani ng mga manggagawa — si Gat Andres Bonifacio.