Isang taon na ang nakakaraan, magkakasama kami ng ilang kaibigan, kapartido, at kaalyado nang nabalitaan namin ang atas ng administrasyong dakpin at ikulong si Senadora Leila de Lima. Binantayan namin siya at dinamayan, mulat na anumang oras ay maaaring damputin si Senadora Leila at dalhin siya sa Crame.
Bukas, sasapit ang unang taon ng pagkakakulong ni Senadora Leila. Wala pa ring nakikita ni isang gramo ng ilegal na droga bilang ebidensya. Wala pa ring liwanag, kahit hanggang sa mga hukom ng Korte Suprema, kung ano nga bang talaga ang krimen na nagawa ni Senadora Leila.
Samantala, habang nakakulong siya, patuloy ang paniniil, panlalapastangan, at panggigipit sa mga kumokontra sa administrasyon. Walang-tigil ang pag-atake sa mga institusyong nagbabantay sa pang-aabuso ng gobyerno, at sumisigurong ginagabayan tayo ng batas at hindi ng huwisyo ng mga makapangyarihan: Ang Commission on Human Rights; ang Ombudsman; ang Korte Suprema; pati na ang Malayang Pahayagan. Tinanggalan ng pondo ang mga kaalyado at kapartido nating piniling sumunod sa konsensya kaysa sa makisabwat sa administrasyon. Pati ang mga LGU na kasapi ng Partido, naging biktima ng pagbabanta, kaya marami sa kanila, bagaman mabigat ang loob, ay napilitang magpaalam na lilipat sa partido ng administrasyon.
Isang taon nang nakapiit si Senadora Leila de Lima, at patuloy na may mga banta sa ating mga karapatan at ating demokrasya. Marahil, napapanahon ang pagninilay: Nakikita natin ang pagpatay, ang kasinungalingan, ang pagbalewala sa ating mga karapatan. Kinontra ito ni Leila de Lima. Ikinulong siya ng administrasyon. Mayroon pa ba sa ating naniniwalang totoo ang mga imbentong alegasyon laban sa kanya? Hindi pa ba malinaw: Ang tangi niyang sala ay ang manindigan para sa ating mga karapatan; ang tumayo para sa kalayaan; ang pumalag laban sa isang gobyernong mapaniil, bastos, at walang-pitagan sa batas.
Sampu ng buong Partido, iginigiit pa rin natin: Inosente si Leila de Lima. Marangal si Leila de Lima. Hindi tiwali si Leila de Lima. Maling nakakulong si Leila de Lima. We demand that the administration follow the laws of the land, and free Leila de Lima immediately.
Bagaman nag-iisa si Senadora Leila sa piitan, hindi siya nag-iisa sa paninindigan. Marami sa atin, kabilang na kami sa Senado, ay matagal nang tumatayo laban sa pangaabuso at pagmamalabis sa gobyerno. Dahil dito, marami—kabilang na ang ating Chair na si Bise Presidente Leni Robredo—ay hindi nakaligtas sa kasinungalingan at panggigipit ng administrasyon. Sa kabila ng—o marahil, dahil sa—pagtanggol natin sa ating demokrasya at mga karapatang pangtao, walang-habas ang ginagawang paninira sa atin.
Sa harap ng mga ito, ang tanong ko nga sa Partido: Kaya ba nating harapin si Senadora Leila at sabihing, “Hindi kita ipinagkanulo; nakiisa ako sa iyo”? Ano ang mga guhit na hindi natin dapat tawirin? Nasaan ang hangganan ng konstruktibong pakikipagtalaban sa administrasyon, at ang hayagang pakikilahok sa kanilang mga gawain? Naging matibay ba o hilaw ang ating paninindigan? Inuna ba natin ang sariling interes kaysa sa pagtalima sa kung ano ang tama at makatarungan? Sino tayo bilang Liberal, at paano natin ito isinasadiwa sa mga batas, polisiya, at agendang ating sinusuportahan?
Bukas, sasapit ang isang taon ng pagkakakulong ni Senadora Leila. Sa linggo, ipagdiriwang natin ang ika-32 anibersaryo ng mapayapang rebolusyon sa EDSA. Naalala ko ang isang senador ng ating partido sa ibang yugto ng kasaysayan na ikinulong din dahil sa kanyang pagiging oposiyon at sa kanyang paninindigan. Sinampahan din ng mga reklamong gawa-gawa lamang. Ikinulong din, at walang awang pinaslang, si Senador Ninoy Aquino.
Sa mga panahon na iyon, nanindigan at lumaban ang Partido Liberal. Hinarap ng Partido ang hamon at nilabanan ang tiwali, mapang-api at mapanlinlang na diktadura. Nawa’y pagmunihan nating muli ang kasaysayan natin bilang Partido—ang maraming pagkakataon ng paninindigan at pagsasakripisyo; ang mga aral at pagtalima sa prinsipyo; ang pagtayo, gaano man kahirap, laban sa diktadurya at pang-aabuso. Nawa’y gamitin natin ang mga susunod na araw upang magbalik-tanaw, sariwain ang diwa ng ating pagka-Pilipino, at pag-isipan kung ano ang mga dapat pa nating gawin upang ibalik ang katinuan sa pamamahala.
Naniniwala pa rin tayo: Alam ng Pilipino kung ano ang totoo, at kung ano kasinungalingan. Pipiliin ng Pilipino ang malasakit at pag-unawa, sa halip na poot; ang buhay at kalayaan, laban sa karahasan, pagsasawalang-bahala sa batas, at diktadurya. Sa harap ng paniniwalang ito, lumiliwanag ang tungkulin ng Liberal sa kasalukuyang panahon: Ang makamtang muli ang buong tiwala ng ating mga kababayan—upang taas-noong magbigkis ang buong sambayanan, tungo sa pagkamulat, at sa mas makabuluhang pagkilos.
Sama sama nating isulong ang pagtanggol sa ating demokrasya, kalayaan at kasarinlan laban sa mga pwersang lokal man o banyaga na nagbabantang agawin ito sa atin.
Palaayin si Sen. Leila de Lima.
Ipagtanggol ang demokrasya.
Isulong ang kalayaan, katuwiran, at bayanihan sa lahat ng gawain.
Panindigan ang pagiging Liberal.