Muli, pinapalutang na naman ng pamahalaan ang ideya ng isang “revolutionary government” laban sa sabi nilang mga banta mula sa mga komunistang rebelde.
Nagsimula silang bati-bati, pero ngayon magkasalungat na ang Pangulo at ang mga pinuno ng CPP-NPA.
Hindi solusyon ang revolutionary government. Bukod sa walang basehan sa realidad, labag ito sa Saligang-Batas.
Mga limang dekada na ang rebelyon ng CPP-NPA. Kung paniniwalaan natin ang militar at pulisya, maliit na pwersa na lang ang mga rebeldeng ito mula sa sampu-sampung libo noong dekada 1970.
Nandyan pa rin ang posibilidad ng peace talks at hindi dapat isara ang daang ito patungo sa kapayapaan.
Bakit natatakot ang administrasyon sa mga komunista? O, baka naman minumulto na sila sa mga ginawa nila at tingin nila kailangan ng extraordinary powers para pahinain ang mga tinuturing na kaaway?
Pagbabalik sa paniniil at diktadurya ang revolutionary government. Ibig sabihin nito, hindi na pwedeng magsalita laban sa mga mali at di-makataong patakaran at gawain ng pamahalaan.
Dapat labanan ito ng lahat ng Pilipinong nagmamahal sa kalayaan. Nanalo na tayo laban sa diktadura noon, hindi tayo papayag na mawalang muli ang ating mga kalayaan.