“Kahapon, naglabas ng mga pahayag ng pagtanggi ang administrasyon sa apela ng mga frontliner na mag-ECQ muna upang hindi maoverburden ang mga ospital sa pagtaas ng kaso ng COVID. Risonableng apela ito, na may malinaw na dahilan: Last line of defense ang mga medical professionals. Naghihikahos na sila. Kapag bumagsak sila, wala na tayong ibang matatakbuhan.
Umaasa tayong pag-iisipan pa ng mas malalim ng pamahalaan ang desisyong ito. Na irerespeto nila ang karanasan ng mga nasa frontline, mag-eempathize sila, at makikita nila ang halaga ng hinaing sa mas malaking konteksto ng pandemic response.
Kung talagang mananatili tayo sa kasalukuyang status quo ng GCQ, nais naming idiin: Walang ECQ, pero hawak pa rin natin ang ating mga kilos.
Para sa mga chapters ng Partido, direktiba ito; panawagan naman ito sa lahat ng ating kababayan: Huwag nang lumabas sa tahanan kung hindi kailangan. Maging mahigpit sa sarili sa pagsunod ng safety measures, lalo na ang social distancing, pagsusuot ng facemask, at paghuhugas ng kamay. Kung maaari, mag-self-impose na ng lockdown sa sariling mga tahanan at pamilya. Hindi lahat makakasunod dito, dahil may mga kailangang magtrabaho. Pero kung babawas ang taong lumalabas, babawas din ang panganib para sa lahat. Babawas ang pagbuhos ng mga pasyente sa ospital. Mabibigyan ng buwelo ang ating mga frontliner.
Patuloy ang ating pagtatatrabaho at dalangin sa kaligtasan ng lahat.”