Ilang linggo na din po tayong nanawagan sa ating pamahalaan na agarang gumawa ng hakbang para tugunan ang tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, lalong lalo na ang bigas. Noong nakaraang linggo, tila magkakasalungat po ang narinig nating pahayag mula sa iba’t ibang opisyal ng ating pamahalaan ukol dito.
Alam naman po natin, ang bigas ngayon umaabot na mula 46 hanggang 80 pesos kada kilo. Ang galunggong yata ay 170 pesos na. Ang pasahe sa jeep, umaabot na din ng siyam na piso sa ilang parte ng ating bansa. Napakabilis po talagang magtaasan ng mga presyo; hindi na makasabay ang karaniwang mga Pilipino.
May mga bagay po na dapat gawin, at madaling iatas ang agarang pagpapatupad, kung seryoso ang ating pamahalaan sa pagtugon sa lumalalang sitwasyon ng mga tumataas na presyo.
Naririto po kami ngayon upang maghain ng ilang mungkahi:
Una, ayusin ang NFA. Resolbahin sana agad ang isyu ng kakulangan ng supply ng bigas. Magtalaga po ng pinunong mahusay at mapagkakatiwalaan. Siguruhin na ang bawat desisyon, lalo na ukol sa pag-angkat ng bigas, ay tunay na pinag-isipan, pinagplanuhan, at pinagkasunduan ng NFA Council at ng liderato ng NFA. Samakatuwid: Gawing patas, malinis, at tapat ang proseso ng NFA, upang tunay itong tumutok sa pag-stabilize ng presyo ng bigas, at hindi magamit lamang para lamanan ang bulsa ng iilan.
Pangalawa, i-suspend ang probisyon ng TRAIN 1 ukol sa excise tax sa krudo, at i-review ang unconditional cash transfer. Sa simula pa lamang po ng taon, ramdam na ng ating mga mamamayan ang pagtaas ng presyo. Inamin din naman ng DOF na hindi nila inasahan ang ganito kalaking pagtaas ng inflation. Mula sa kanilang pahayag, malinaw na panahon na para tingnan muli kung nararapat pa ba ang buwis sa krudo. Kailangan din nating tingnan kung sapat pa ba ang 200 pesos na unconditional cash transfer, at kung kailangan itaas pa ito.
Pangatlo, palawakin ang mga social protection initiatives. Paramihin po ang saklaw ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, at ayusin din ang mga institusyong tulad ng GSIS, SSS, OWWA, at Philippine Crop Insurance, Inc., na kasama dapat sa makakapitan ng mga nasa laylayan sa panahon ng pangangailangan.
Bilang mga opisyal po ng pamahalaan at hinalal ng taumbayan, obligasyon po namin maghain ng mga panukala na maiibsan ang hirap ng ating mga mamamayan. Mayroon na po—alam po natin na mayroon nang finile si Sen. Bam Aquino ukol dito na Bawas Presyo Bill sa Senado. Pagkatapos po nitong ating press conference, si Cong. Miro Quimbo, kasama na iyong mga LP members sa House of Representatives, maghahain din po ng counterpart bill sa House.
Umaasa po kami na seryosong tingnan ng pamahalaan ang mga panukalang ito. Lahat po tayo, lalo na iyong mga mahihirap, nararamdaman talaga iyong pagtaas ng presyo ng bilihin. At panahon ito para umaksyon at maghanap ng konkretong solusyon.
Ito pong paghahanap ng solusyon, matagal na nating hinihingi ito, at iyong pakiramdam po natin isa itong bagay na napaka-urgent na kailangan na talaga.
Source: https://www.facebook.com/VPLeniRobredoPH/posts/1791060731011587