Sinusuportahan natin ang pasya ni Vice President Leni na tanggapin ang posisyon bilang co-chair ng inter-agency on anti-illegal drugs.
Maliwanag ang naging pahayag ng ating Bise Pangulo na sa pagtanggap niya sa nasabing hamon ay tututulan nya ang araw-araw na patayan, papanagutin niya ang mga ninja cops, at hahabulin niya ang mga sindikato ng droga at mga kasabwat nito na nasa likod ng pagpapalusot ng tone-toneladang shabu sa BoC. Dahil dito, buo ang ating pagsuporta sa kanya.
Bagamat hindi natin matiyak ang motibo at sinseridad ng Malacañang sa pag-alok sa nasabing pwesto, wala tayong duda sa sinseridad ng ating Bise Presidente sa kanyang layunin na hanapan ng tunay na solusyon ang problema sa iligal na droga sa bansa.
Pinag-usapan sa partido ang offer. Tinimbang ang mga pros at cons. At kahit alam ni VP Leni na maaaring patibong ito, tinanggap niya ang hamon. Mas matimbang sa kanya ang mga mahihirap nating kababayan na target ng madugong drug war.
Nananawagan din tayo sa ating mga kababayan na suportahan nating lahat ang naging pasya ng ating Bise Pangulo. Mapanganib ang kanyang hinaharap na pagsubok at naniniwala tayo na kapag buo ang suporta at pagkilos ng mamamayan sa magiging hakbang niya ay mas matitiyak ang kanyang tagumpay.