Bago pa sila nagsimula, plano na nilang ipagkait ang prangkisa.
Iyan ang malinaw na lumabas sa huling araw ng hearing.
Ang mga kongresista nagmistulang mga bata na hindi nakikinig sa mas nakakaalam. Walang tax liability ang ABS-CBN ani ng BIR. Walang batas na sinuway ang kumpanya ani ng DOJ. Lusot sila ani ng NTC. Pero bakit ‘di sila nakikinig?
Nitong nakaraan, lumabas ang tunay na rason ng mga nangunguna sa pagharang ng prangkisa–personal na agenda. Kumalat ang isang post sa social media na ipinasara ng dating Environment Secretary Gina Lopez ang kumpanyang minahan ng isang congressman. Isa pang congressman ang hindi maka-move on sa reporter na si Mike Navallo at tila nagbibingi-bingihan. Meron pang hanggang ngayon dengvaxia pa rin ang hinaing.
Gusto nilang pakialaman kung paano at ano ang laman ng binabalita ng pinakamalaking media broadcaster sa bansa. Hindi ito tungkol sa alleged violations ng ABS-CBN, bagkus ito ay tangkang pagkontrol.
Walang duda, ito ay atake sa kalayaan ng pamamahayag! Ang malayang midya ay tinik sa kanilang lalamunan! Hayag nilang patatahimikin ang lahat ng kumakalaban sa kanilang kapangyarihan. Mga pasista!
Akala nila pabor ito sa kanila. Diyan sila nagkakamali! Sa ginawa nilang pagtanggal sa tanging kasiyahan at pagkukunan ng impormasyon ng mga tao sa malalayong lugar sa Pilipinas, para na rin nilang ginising mula sa pagkakatulog ang damdamin ng madla tungkol sa mga totoong nangyayari sa bansa — ang pagkitil sa kalayaan ng pamamahayag, paglala ng kahirapan at kawalang trabaho, at malawakang kapalpakan ng gobyerno pagdating sa pandemya. Ginising nila ang taumbayan, sinampal sa mukha, at talagang ipinaramdam na walang pakialam sa kanila ang mga dapat maglingkod sa kanila.
Kaya’t maghanda kayong nasa kapangyarihan, dahil ang bayan ang kakaharapin ninyo sa araw ng pagtutuos. Hindi nakakalimot ang taumbayang galit.
Kapag ang bayang pinagkaitan ay tuluyan nang magising, doble itong maniningil.
At sa araw na iyon, ang taumbayan naman ang magmamatigas.
##
—————————————————
Contact Person:
Nathan Figueroa
LY Secretary General
09753069680
[email protected]