Ngayon po ang ika-15 na araw ng ating assistance drive. Nakakalap na tayo, sa suma total, ng higit 36.2 million pesos. Mula ito sa pinagsamang 5.9 million pesos na iniambag ng Office of the Vice President at ang higit 30.2 million pesos na nakalap mula sa donation drive na sinimulan ng ating Angat Buhay partner, ang Kaya Natin. Nakalaan ang halagang ito para makabili ng personal protective equipment at iba pang pangangailangan para sa ating mga frontliners.
Maraming, maraming salamat sa mga nag-donate. Totoo nga po: We responded to the worst of times with the best in ourselves.
Patuloy ang pagsisikap nating tukuyin, paglaanan ng ayuda, at puntahan ang mga frontliners ngayong panahon ng kagipitan. Sa kasalukuyan, nakapagpadala na tayo ng 30,450 PPE sets, na tinatayang magagamit sa loob ng 15 araw ng 2,030 frontliners mula sa 93 na mga ospital at komunidad. May mga deliveries rin pong nakapila para sa iba pang mga ospital sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Patuloy din ang pagdagsa ng mga request—literal na pong mula Batanes hanggang Tawi-tawi, at daan-daang requests na para sa mga ospital at komunidad ang natatanggap ng ating Tanggapan. Nagsisimula na pong maging hamon ang pag-procure ng mga PPE.
Tuloy-tuloy ang aming pagsisikap na matugunan ang lahat ng mga requests na ito. Sa abot ng aming makakaya, at sa pamamagitan ng kabutihang loob ng mga pribadong mamamayan, kumikilos kami para magawan ng paraan na mabigyan ang nangangailangan. Pero limitado ang aming resources at napakalaki ng pangangailangan.
Kaya kami’y nananawagan sa pambansang pamahalaan: Tugunan natin ang pangangailangan na ito. Punan natin ang mga pagkukulang. Magtulungan tayong tulungan ang mga frontliners.
Nakahanda ang talaan ng mga request at anumang datos na maaari naming ibahagi sa gobyerno. Inatasan ko na rin ang aking staff na makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya. Handa kaming gawin ang lahat ng dapat gawin upang masigurong ligtas at may sapat na pagkalingang naipapaabot sa ating mga frontliners.