PAHAYAG NG PARTIDO LIBERAL SA PAMBANSANG ARAW NG MGA BAYANI

Ang Hamon ng Araw ng mga Bayani Ngayon

Ngayong Araw ng mga Bayani, binibigyang karangalan at pagpapahalaga natin ang sakripisyo ng mga karaniwang Pilipinong tumugon sa hamon ng kanilang panahon, mga panahong tinatakot ang mamamayan para mailuklok ang diktadurya.

Kilala natin ang ilan sa kanila dahil nasusulat ang kanilang pangalan sa mga bantayog o libro ng kasaysayan. Subalit sa araw na ito, walang tiyak at tanging pangalan ang ating ginugunita, upang bigyan tayo ng pagkakataong kilalanin ang kadakilaan ng lahat ng bayaning Pilipinong nanindigan at nagpatibay para sa kalayaan, kapayapaan, at kaunlaran.

Sino at ano ang bayani? Sa isang sitwasyong gaya ng pangkaraniwang krimen, may biktima, may salarin at may nagmamasid. Hindi natin gustong maging biktima, hindi rin natin nanaisin na maging salarin. Bilang tagamasid, ano’ng gagawin natin? Tatayo na lang ba sa isang tabi at titingin? Manonood lang, matatakot at walang sasabihin?

Marami na ang nagbuwis ng buhay, subalit kailangan ng bayan ang mas marami pang bayani. Hindi lang sa pagharap sa bala o sa pakikidigma namamalas ang kabayanihan, kundi sa pagsasantabi ng sariling interes, paggawa ng tama na walang inaasahang kapalit o pabuya.

Kasama ng pagdakila natin sa mga bayani sa araw na ito, tinatawag tayong makiambag, sa kahit paanong paraan, para sa ikabubuti at ikauunlad ng Pilipinas.

Sa panahong ito, kailangan ng bayan ang bayani, kahit walang mukha o pangalan na madaling tandaan, basta’t bukal at tapat ang paglilingkod sa sambayanan. Maaaring ikaw ito at ako.