We urge our fellow lawmakers at the House of Representatives to seriously consider where they stand in the face of the harassment and persecution brought upon our party chairperson. We must rally behind our party chairperson.
Itinutulak ngayon ng mga nasa kapangyarihan ang pag-alis sa pwesto kay VP Leni, mula sa bantang impeachment dahil sa pagsuporta sa resolusyon ng UN Human Rights Council na magkaroon ng independent na imbestigasyon ang mga patayang bunga ng drug war; sa pagbasura sa petisyon ni VP Leni na tapusin na ang protesta bunga ng resulta ng recount; at dito na nga sa pagsampa ng walang-basehang paratang laban sa kanya bunga ng gawa-gawang Bikoy video.
Lahat tayo, si Vice President Leni, mga kapwa senador sa minorya, at ang mga LP congressmen, hinalal tayo ng taumbayan para pangalagaan at isulong ang kanilang kapakanan. Lahat ng panggigipit ng mga nakaraang taon ay dito nagtatapos: ang alisin ang mga balakid sa mga balak ng mga nasa kapangyarihan para ituloy ang patayan, ang paninikluhod sa China, at ang panghabambuhay na paghahari-harian nila sa bansa.
Ang araw-araw na panggugulo at pananakot ay ginagawa nila para iwasan ang mga sinumpaang tungkuling bigyan ng mas mabuting bukas ang lahat ng Pilipino. Hindi natin tatalikuran ang ating mga responsibilidad. Sa pagtayo natin para sa katotohanang ito, tinataguyod at ipinagtatanggol natin ang ating minamahal na Pilipinas at sambayanang Pilipino.