3 solusyon sa nabubukbok na ekonomiya o pag-angat ng ‘tatsulok’ mula sa ilalim: Erin Tañada

Tulad ng sa isang commercial, ang tanong natin ay: ano ang mabibili mo sa P20? Walang isang kilo ng bigas. Siguro isang lata ng sardinas o dalawang balot ng instant noodles.

Medyo patawa ang commercial na yun kasi pinapakita nga na halos wala nang mabibili ang P20. Pero kailangan ng seryoso at mas buong pananaw tungkol sa sahod: Ang reklamo noong malusog ang ating ekonomiya ay hindi tumutulo pababa ang kasaganaan ng buong ekonomiya. Ngayon namang binubukbok na ang ating ekonomiya, di na halos makakain ang ating hikahos na mga kababayan.

Ano ang solusyon? Simple sana ang taas-sahod, yan ay pwede nating ihiling sa mga malalaking mamumuhunan. Alam naman nila na kapag mas malusog ang bulsa ng mga manggagawa, mas maraming bibili ng mga bunga ng mga magsasaka, mas maraming bibili ng mga produktong ginagawa ng mga pabrika, mas maraming kakain sa mga carinderia. Ibig sabihin, mas lulusog ang ekonomiya.

Kung hihiramin natin ang talinghagang ginamit sa kantang “Tatsulok,” kapag inangat ang tatsulok mula sa ilalim, aangat ang buong tatsulok. Yan ang kailangan nating gawin: Angatin ang buong ekonomiya mula sa ilalim, at ang pagtaas ng sahod ay isa lamang sa maraming dapat gawin para magawa yun.

Ano pa ang ibang dapat gawin? Dahil higit sa 98% ng mga mamumuhunan sa ating bayan ay maliliit o sobrang liit: yung mga may sari-sari store, naglalako ng buko sa kalye, o kahit na yung jeepney driver/operator, na kadalasan kayod mag-isa o katu-katulong ang mga kaanak, hindi yan sakop ng anumang taas-sahod na pwedeng iutos ng pamahalaan. Kaya ang dapat gawin ay paramihin ang nabibili ng piso, ng pinagpawisan ng mga nagbabanat ng buto. Dapat pababain ang presyo ng mga bilihin, unahin na ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng bigas at pagkain, tubig at petrolyo.

At dahil nga nagsisimula nang mabukbok ang ekonomiya, palawakin ang sakop ng conditional cash transfer. Gawin itong mas flexible o nakaka-angkop sa bilis at sa dami ng mga Pilipinong nahuhulog ulit sa kahirapan.

Huli at pinaka-importante: kailangan itong tutukan nating lahat at lalong-lalo na ng mga nasa pwestong gawin ito.