VAlues Charter

Isang bayang masagana, mapayapa, mapag-aruga; kung saan may maayos na trabaho at tahanan ang mamamayan; kung saan abot-kaya at abot-kamay ang pagpapaaral at pagpapagamot, at may mga pamayanang kumukupkop sa mga pangarap ng bawat indidbiduwal. Pamumunuan ito ng isang pamamahalang tapat, mabisa, at nagbibigay-lakas sa lahat upang makilahok. Ito ang Mithiing Liberal.

Ngunit nananatiling mailap ang mithiing ito. Nakikita ng Liberal bilang hadlang sa pagkamit nito ang:
• pagsikil sa mga kalayaan at karapatan;
• kawalang-katarungan at kawalang-katuwiran na nagdudulot ng pang-aabuso, ng pag-angat ng mga makasariling puwersa at interes, at ng di pagkakapantay-pantay;
• kawalang pag-asa na nag-uudyok sa mga napabayaan na kumapit sa sistema o kaugaliang lalo silang ilulugmok sa kahirapan.

Tungkulin nating buwagin ang mga hadlang na ito—at magagawa ito sa pagpapatibay at pagpapalaganap sa kalayaan, katuwiran, at bayanihan. Ito ang ating mga Batayang Paninindigan—ang bukal ng mga kilos, salita, at gawa ng Partido Liberal ng Pilipinas.

KALAYAAN

Isinilang ang Pilipinas dahil sa mithiin ng ating mga ninunong matamasa ang kalayaan. Gayundin, sa buong mundo, kalayaan ang kinikilalang ugat ng Liberalismo bilang kaisipan at paniniwalang politikal. Dahil dito, pangunahing isinusilong ng Partido ang:

• kalayaan mula sa gutom, kahirapan, at paniniil;
• kalayaan ng indibiduwal na magpanday ng sariling kinabukasan;
• kalayaan mula sa takot at alinlangan sa seguridad, bunsod ng sakuna, hidwaan, o pang-aabuso;
• kalayaang makilahok sa pampublikong diskurso, sa pamamahala, at sa ekonomiya;
• kalayaang magpahayag ng paniniwala;
• kalayaang sundin ang tawag ng indibiduwal na budhi;
• kalayaan mula sa panlilinlang;
• kalayaang magbuklod at kumilos upang maabot ang mga mithiin, nang naaayon sa sistema ng mga batas na ipinapatutupad nang patas para sa lahat.

KATUWIRAN

Nagiging tunay na makabuluhan lamang ang kalayaan kung ito ay ganap at patas na tinatamasa ng bawat indibiduwal. Hindi makatuwirang malawakan pa rin ang di-pagkakapantay-pantay habang limitado naman ang mga oportunidad upang guminhawa ang buhay. Ito ang dahilan kung bakit isinusulong ng Partido ang paglikha at pagpapatupad ng mga batas at programang nagsusulong ng pagkakapantay-pantay, at ang pagbuwag ng mga istruktura at kaisipang nagpapalawak sa di-pagkakapantay-pantay. Sa gayong paraan, naididiin ng Partido ang katuwiran at katarungan sa lahat ng anyo nito bilang isang batayang paninindigan.

BAYANIHAN

Pinaninindigan ng isang Liberal ang pagpanday sa bayan bilang tungkulin gaya nang sa sarili at pamilya.

Batid natin na kung nakatuon lamang tayo sa pansariling interes o interes ng mga pansariling ugnayan, magdulot man ito ng pananandaliang ginhawa para sa kaunti, ay inilalayo naman ang mas nakararami sa pag-abot ng kolektibong mga adhikain. Ito rin ang ugat ng baluktot na sistemang padrino: Naituturing na utang na loob ang dapat naman talagang serbisyo; at inaakalang pabor ang dapat naman talagang tungkulin ng isang lingkod-bayan.

Naniniwala ang Liberal: Ang tanging landas sa pambansang kaunlaran ay ang pagmamahal sa ating mga kababayan, bilang kapwa-taong may kalayaan at karapatang tuparin ang kanilang mga pangarap. Ito ang ating bayanihan: Ang aktibong pakikilahok tungo sa pangmalawakan at pangmatagalang interes ng bawat Pilipino.

PAMUMUNONG LIBERAL

Mariin nating igigiit ang pagtalima sa ating mga batayang paninindigan—hindi lamang para sa ating sarili o ka-Partido, ngunit mas lalo, para sa mga pinuno ng ating bansa.

Tiwala ang bukal ng anumang pamunuan. Kaya naman: Walang lugar ang kasinungalian, pandaraya, pagnanakaw, at katiwalian sa pamahalaan. Kailangang isalamin ng ating mga pinuno ang pinakamatataas na ideyal at hangarin ng taumbayan.

Tungkulin ng pamahalaan ang pagsigurong may pagkakataon ang lahat sa responsable, makatarungan, at makatuwirang pagsasadiwa ng mga kalayaan. Habang tinutugunan ang mga pinakanangangailangan, marapat bigyang-lakas ang taumbayan upang umunlad ang bawat isa nang dahil sa sariling pagsisikap at kakayahan.

Kung gayon, itinutuon dapat ng pamahalaan ang kanyang kapangyarihan sa tapat na paglilingkod upang:

• una, patas na matamasa ng bawat Pilipino ang kalayaan;
• ikalawa, lumawak ang oportunidad;
• at ikatlo, siguruhing may mga serbisyong magbibigay sa kanya ng kakayahang panghawakan ang mga pagkakataon. Samakatuwid, kabilang sa mga dapat isulong ng pamahalaan ang:
• isang sistemang babali sa pagsasalinlahi ng kahirapan;
• de-kalidad na pampublikong kalusugan at edukasyon;
• saganang ekonomiyang lumilikha ng disenteng trabaho at nagsasaalang-alang sa mga susunod na henerasyon;
• makatuwiran at mabilis na sistemang pang-hustisya;
• propesyunal at maasahang hanay ng mga lingkod-bayan;
• at iba pang mga programang magpapatag ng lipunan upang ang mga dating napabayaan ay mabigyang-lakas sa lalong madaling panahon.

PARTIDO NG TAUMBAYAN

Wala sa pagkakamit ng kapangyarihan ang diwa ng Partido, kundi nasa pagbibigay-lakas sa mga mamamayan upang maabot ang kanilang kolektibong mga hangarin. Kung gayon, hayagan at aktibo nating hahanapin at kukupkupin ang bawat Pilipinong kahanay sa mga Batayang Paninindigan ng Partido.

Sisikapin nating isabuhay ang mga Batayang Paninindigang ito. Hindi tayo perpekto, ngunit lagi nating sisikaping punan ang anumang pagkukulang at itama ang mali. Kung makikita natin ang ka-Partidong nakalilimot, tungkulin nating ipaalala ang mga nakasaad dito, panagutin ang sinumang magkasala, at makilahok sa mga pampartidong proseso upang bumalik sa landas ng pagtalima.

Mula sa Pambansang Liderato, hanggang sa mga bagong kasapi ng hanay—binibigkis tayong lahat ng mga Batayang Paninindigang nakasaad dito. Isasadiwa natin ito.